Dumagsa at nakibahagi ang humigit kumulang 14,534 na guro at empleyado ng Pampaaralang Tanggapan ng Sangay I ng Pangasinan sa kauna-unahang LAKAD-PAGKAKAISA (Unity Walk) bilang inisyal na gawain sa pagbubukas ng programa para sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro, Oktubre 4.
Sinimulan nang eksaktong alas sais ang nasabing Lakad-Pagkakaisa sa may Baywalk Capitol Ground, Lingayen sa pangunguna ni Dr. Sheila Marie A. Primicias, Pansangay na Tagapamanihala ng mga Paaralan kasama ang kanyang 354 na empleyado ng sangay.
Bago pa man sumapit ang alas sais ng umaga, may mga guro nang dumating mula sa malayong distrito ng Dasol at ganoon din sa distrito ng Sta. Barbara.
"Madilim pa nang dumating kami sakay ng dalawang van. Nakakapagod ang magbyahe ngunit kailangang makarating nang maaga dahil malayo ang Dasol", ang nakangiting sabi ni Bb. Magielyn CariƱo isang guro mula sa Tambobong National High School, Dasol Pangasinan.
May mga guro ring nagsabi na nahirapan sila sa pagdating nang maaga dahil sa nagkaroon ng pamimigat ng trapiko sa may bayan pati na sa may kahabaan ng Boulevard papuntang Baywalk.
Sa simula ng Lakad-Pagkakaisa ay may kanya-kanyang bitbit na tarpaulin na nakasulat ang distritong pinanggalingan ng mga kalahok. Nagkaroon din ng pakulo ang ilang guro dahil ang ilan ay may bitbit na flaglets na kanilang iwinawagayway habang naglalakad.
Mayroong 7, 674 kaguruan at empleyado mula sa elementarya, 4, 921 naman mula sa JHS at 1, 584 naman mula sa SHS ang naglakad mula Baywalk papuntang Narciso Ramos Sports and Civic Center Grandstand. (by:Maricel O. Paulo)
No comments:
Post a Comment